MANILA, Philippines - Burado na ang plano ni Senator Francis “Chiz” Escudero na sumabak sa presidential elections sa susunod na taon dahil hindi pa umano niya panahon.
Ang pag-atras ay inihayag ni Escudero sa Club Filipino sa Greenhills, San Juan kahapon ng alas-8 ng umaga, halos isang buwan matapos siyang kumalas sa kaniyang partidong Nationalist People’s Coalition (NPC).
Inamin ni Escudero na hindi ang 2010 presidential elections ang tamang panahon upang isulong niya ang kanyang planong pagtakbo bilang presidente ng bansa kung saan tatakbo rin ang itinuturing niyang matalik na kaibigan na si Senator Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III.
Ilang beses na umano niyang sinabi na wala siyang ibang gusto kundi ang “presidency” sakaling muling kumandidato, pero hindi umano niya ito gagawin kung mawawala naman ang kaniyang pagkatao at kaluluwa.
Idinagdag ni Escudero na patuloy pa rin siyang mangangarap ng isang bagong Pilipinas at patuloy umano siyang mananalig sa kakayahan ng mga Pilipino. (Malou Escudero)