MANILA, Philippines - Naglilipatan na ang mga orihinal na miyembro ng makaadministrasyong Lakas-Christian Democrats sa kampo ni dating Public Works and Highways Secretary Hermogenes “Jun” Ebdane na nakatakdang magsumite ng kanyang kandidatura sa pagka-Pangulo sa Nobyembre 29.
Sinabi ni dating Executive Secretary Ruben Torres, kasalukuyang campaign manager ni Ebdane, na may 50 miyembro ng orihinal na miyembro ng Lakas na mga dati at kasalukuyang miyembro ng Gabinete, kongresista, at mga alkalde ang nakipagkita kamakailan kay Ebdane sa Diamond Hotel sa Maynila kung saan pinag-usapan ang plataporma nito at naglabas ng “manifesto of support” para sa kanyang kandidatura.
Sinabi naman ni Philippine Labor and Peasant Party President Jose Malar Villegas na nakatakdang makipagpulong rin sa kanila si Silvestro Bello III na isa sa senatorial candidate ng Lakas-Kampi-CMD. Makikipagpulong rin sila kay dating Speaker Jose de Venecia upang talakayin ang susunod na hakbang ng mga Lakas originals.
Inaasahan umano nila na mas marami pang mga kandidato buhat sa administrasyon at maging sa oposisyon ang maglilipatan sa kanila.
“We expect more people to contact us due to the snowballing support for secretary Ebdane which other candidates are trying to downplay because they could not accept the fact that while they have gone full steam, Jun Ebdane is just starting and he is already garnering huge support,” dagdag ni Villegas.
Una nang inihayag ni Ebdane na kukunin niya ang pag-endorso sa kanya ni Ramos sa kanyang planong pagtakbo bilang Pangulo ng bansa. (Butch Quejada)