Pumugot sa principal menor-de-edad

MANILA, Philippines - Ibinunyag ni Interior and Local Government Secretary Ronaldo Puno na isang adik na menor-de-edad ang berdugong pumugot sa ulo ng 36-anyos na principal noong Lunes sa Sulu.

Ayon kay Puno, 17-anyos pababa ang edad ng ber­dugo ng biktimang si Gabriel “Bong” Canizares at ito ay sinanay ng isang nagngangalang Taric na miyembro ng Jemaah Islamiyah. Posible aniyang nag-droga muna ang mga kabataang berdugo ng Abu Sayyaf Group bago tuluyang tinapyas ang ulo ng biktima.

Sa ngayon ay nasa Zamboanga City si Puno para pangunahan ang paglutas sa serye ng kidnapping sa Western Mindanao kung saan kabilang ang pagdukot kay Irish Priest Fr. Michael Sinnot.

Inamin din ni Puno na naalarma ang gobyerno sa naturang insidente dahil ngayon lang nangyari na may pinugutan ang ASG sa lalawigang ito kung saan ang kadalasan ay sa Basilan.

“Wala kaming history ng pugutan ng ulo sa Sulu kadalasan sa Basilan yan eh,” ani Puno.

Samantala, sinampahan na rin kahapon ng kasong kriminal ang mga berdugo ng Sayyaf kabilang sina Basarun Aruk, Edimar Isnain, Abdulatip Jalmaani at iba pang miyembro. (Joy Cantos)

Show comments