MANILA, Philippines - Nagbanta kahapon si Senator Miriam Defensor-Santiago na ibu bunyag niya ang pangalan ng mga umano’y nobya ni dating Road Board executive director Rodolfo “Dodie” Puno kung aatakehin siya nito tungkol sa kanyang mga ibinunyag sa anomalya sa bilyon-bilyong road user’s tax.
“Atakehin mo ako tungkol dito at ibubunyag ko ang mga girlfriend mo,” sabi ni Santiago sa kanyang privilege speech tungkol sa road tax.
Ayon pa kay Santiago, masyadong maluho ang pamumuhay ni Puno na mayroon umanong P250 milyong halaga ng property sa Boracay. Nag-mamay-ari din umano si Puno ng dalawang yate at lahat na lamang ng mga luxury at mamahaling sasakyan ay mayroon ito.
Sinabi pa ni Santiago na kahit may asawa at anak na si Puno ay nanliligaw pa ito ng mga beauty queens at mga sikat na artista.
Nais ni Santiago na pakasuhan ng plunder si Puno at ang iba pang director ng Road Board na nagpasasa umano sa P60.5 bilyong pundo. (Malou Escudero)