MANILA, Philippines - Itinanggi ng Lakas-Kampi-CMD na mayroong “exodus” sa paglipat ng mga miyembro nito sa ibang partidong pulitikal habang papalapit ang 2010 elections.
Sinabi ni Presidential Political Adviser Gabriel Claudio, mayroong mga miyembro ang Lakas-Kampi-CMD na umaalis dahil naghahanap ito ng ibang partido na kukupkop sa kanila dahil na rin sa hindi sila ang mapipiling pambato ng administrasyon sa local levels.
Inihalintulad pa ni Claudio ang administration party tulad sa isang boxing match kung saan ay dapat magbawas ng sobrang bigat bago sumabak sa laban upang maging lalong handa sa kanyang pakikipaglaban.
Nilinaw rin ni Claudio na kailanman ay hindi naging miyembro ng Lakas o Kampi sina Manila Mayor Alfredo Lim at Cavite Gov. Ayong Maliksi. (Rudy Andal)