MANILA, Philippines - Itinanggi ng Malacañang na inaprubahan na ni Pangulong Arroyo ang hinihinging “absolute pardon” ni convicted child rapist at dating Zamboanga del Norte Rep. Romeo Jalosjos.
Sinabi ni Press Secretary Cerge Remonde sa media briefing, walang nilalagdaan si Pangulong Arroyo na kautusan na nagkakaloob ng absolute pardon kay Jalosjos dahil ang magrerekomenda nito ay ang Board of Pardons and Parole at Department of Justice.
Ayon kay Remonde, ministerial lamang naman ang magiging papel ng tanggapan ng Pangulo dahil ang rekomendasyon ay magmumula sa DOJ kung nararapat bigyan ng absolute pardon si Jalosjos.
Nilinaw naman kahapon ni Acting Justice Sec. Agnes Devanadera na wala pang anumang inihahain si Jalosjos na humihiling na mabigyan ito ng absolute pardon.
Maging sa Board of Pardons and Parole ay wala pa ring natatanggap na application ng dating kongresista
Nakalaya si Jalosjos sa New Bilibid Prison matapos na aprubahan ng Office of the President ang kanyang conditional pardon subalit hiniling ni Jalosjos kamakailan na bigyan siya ng absolute pardon upang mabawi niya ang kanyang civil at political rights.
Ayon sa source, nagpaplano muling kumandidato si Jalosjos sa darating na 2010 elections subalit magiging hadlang dito ang kawalan niya ng absolute pardon upang mabawi ang kanyang karapatan na bumoto at mahalal. (Rudy Andal/Gemma Garcia)