Muslims pumalag sa binagong holiday
MANILA, Philippines - Kinondena kahapon ng ilang lider-Muslim ang deklarasyon ng Malacañang na panrehiyon lang o sasaklaw lang sa Autonomous Region for Muslim Mindanao ang holiday o pista opisyal sa Nobyembre 27 at 28.
Ang nabanggit na petsa ay naunang idineklara ng Malacañang na national holiday pero binago ito makaraang umapela ang sector ng negosyo.
Ang Islamic feast of holy sacrifice o Eid’l Adha ay nakatakda sa naturang petsa.
Sinabi ni National Ulama Conference of the Philippines Deputy Secretary General Mike Ibrahim na hindi lang sa ARMM natatagpuan ang mga Muslim Filipino kundi sa buong bansa.
Humingi naman ng paumanhin ang Malakanyang sa mga naapektuhan ng pagbabago sa holiday.
Noong Abril 12, idineklara ni Pangulong Gloria Arroyo ang Nobyembyre 27-28 bilang national holiday.
Pinuna ni Ibrahim sa isang television interview na tila mas iginagalang ng Malacañang ang business community kaysa sa tradisyon at paniniwala ng mga Muslim.
Ipinaliwanag kahapon ng Malacañang kung bakit ginawang regional holiday na lamang ang pagdiriwang ng Eid’l Adha sa November 27 at 28 sa halip na national holiday.
Sinabi ni Press Secretary Cerge Remonde na nakiusap ang sector ng mga negosyante na ilimita na lamang sa ARMM ang pagdiriwang ng Eidl Adha sa halip na national holiday.
Ikinatwiran ng mga negosyante na sobrang dami na ang holiday ngayong November at lubhang makakaapekto ito sa produksyon ng manufacturing sector kung gagawing national holiday ang Nov. 27 at 28.
Dahil dito, nagpalabas ng Proclamation 1808-A si Pangulong Gloria Arroyo na, rito, sa ARMM na lang magiging holiday sa panahon ng Eidl Adha sa halip na sa buong bansa sa nabanggit na petsa. (Rudy Andal)
- Latest
- Trending