Chiz itsapwera kay Villar!
MANILA, Philippines - Idiniin kahapon ng isang mapagkakatiwalaang impormante sa Nacionalista Party na ipinuwera na nila si Senador Francis “Chiz” Escudero sa mga pinagpipilian ni NP President at Senador Manny Villar bilang running mate nito sa halalang pampanguluhan sa susunod na taon.
Sinabi ng impormante na isinagawa ng NP ang hakbang kasunod ng pagtiwalag ni Escudero sa Nationalist People’s Coalition dahil P200 milyon lang ang naipapangako ng lider ng NPC at negosyanteng si Eduardo “Danding” Cojuangco para pondohan ang kanyang presidential campaign.
Pinuna ng impormante na, dahil sa pera, tinalikuran ni Escudero ang NPC na ginamit niya para sa kanyang personal at pulitikal na interes sa loob ng 10 taon.
Idinagdag ng impormante na hindi pa nakakalimutan ni Villar kung papaano siya siniraan ni Escudero noong nakaraang Setyembre sa pagsasabi ng huli na hindi kailan man siya tatakbo sa ilalim ni Villar.
“Ayaw ng NP na matulad sa NPC na matapos gamitin ni Escudero ay parang basahan na basta na lang idinispatsa. Wala siyang loyalty sa partido at wala rin siyang word of honor. Kung meron ba naman ay bakit sasabihin niyang ayaw niya kay Senator Villar tapos ay lumalapit siya ngayon dito.”
Dismayado din ang marami sa NPC dahil anila’y hindi na isinoli ni Escudero ang initial na P100 million na ibinigay sa kanya ng partido noong hindi pa siya kumakalas dito. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending