MANILA, Philippines - Inobligahan kahapon ng Department of Energy ang mga kumpanya ng langis na magbaba ng presyo ng lahat ng produktong petrolyo.
Isinagawa ni DOE Secretary Angelo Reyes ang hakbang nang makipagpulong siya kahapon sa mga opisyal o kinatawan ng mga kumpanya ng langis.
Unang binasa ni Reyes ang isinasaad ng Executive Order 839 ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na nagsasabi na maaring magpatupad ng “price ceiling” ang pamahalaan sa oras ng “national emer gency”.Ibinase umano ito sa nilalaman rin ng Oil Deregulation Law.
Iginiit ni Reyes na dapat sundin ng mga kumpanya ng langis ang kautusan ng Pangulo kung saan kailangang ibalik ang halaga ng langis sa presyo nito noong Oktubre 15.
Una nang nagpatupad ng rollback ang Unioil at Flying V kamakalawa ng gabi bilang pagtugon sa kautusan ng Pangulo na ibalik sa Oktubre 15 halaga ang langis habang nasa ilalim ng “State of Calamity” ang bansa.
Tumugon na rin ang Chevron Philippines sa kautusan.
Epektibo ang pagpapababa sa kanilang presyo dakong alas-12:01 ng madaling araw ngayong Martes sa buong Luzon habang nasa “state of calamity” pa ang bansa.
Winakwak kahapon ni dating National Economic and Development Authority Director General at ex-Senator Ralph Recto ang tinaguriang ‘Big 3’ sa kawalang intensyong mag-roll back sa presyo ng gasolina.
Pero pinuri naman ni Recto ang Unioil na nagawang magbaba ng presyo.
Sinabi ni Recto na, kung kayang magbaba ng presyo o magpatupad ng rollback ng Unioil, malaking katanungan aniya kung bakit hindi ito magawa ng tinaguriang Big 3 at iba pang oil players.
Sa Malacañang, sinabi ni Executive Secretary Eduardo Ermita na nais ipabatid ng gobyerno sa mga oil companies na kahit umiiral ang oil deregulation law ay may kapangyarihan pa rin ang gobyerno sa oras ng kalamidad upang protektahan ang mamamayan.
Sinabi pa ni Ermita na handa ang DOJ na kasuhan ang sinumang hindi tutupad sa nasabing kautusan ni Pangulong Arroyo.