Disqualification vs Erap madaliin - Comelec
MANILA, Philippines - Pinayuhan ng Commission on Elections ang mga presidentiables na nagbabalak na maghain ng disqualification case laban kay dating Pangulong Joseph Estrada madaliin ang pagsasampa nito upang mapigilan ang pagtakbo nito sa 2010 elections.
Ayon kay Comelec Spokesman Jamez Jimenez, maaari lamang legal na kuwestiyunin ang kandidatura ni Estrada sa sandaling maghain na ito ng kanyang Certificate of Candidacy (COC).
Itinakda ng Comelec sa Nobyembre 30 ang huling araw ng filing of candidacy at kinakailangan na bago matapos ang Disyembre ay mai-finalize na ang pangalan ng mga tatakbong kandidato sa balota.
Sa panig ng Comelec, sinabi ni Jimenez na ka pag nagdesisyon ang poll body na isama ang kandidatura ni Estrada sa balota, tiyak umano na isasama nila ito kung hindi kukuwestiyunin ng Supreme Court. At kung magpasiya naman ang Comelec na hindi isama ang pangalan ni Estrada sa kandidatong puwedeng tumakbo ay hindi na talaga nila isasama kung wala din kukuwestiyon sa SC.
Tiniyak naman ni Chito Gascon, director general ng Liberal Party na wala silang balak na kuwestiyunin sa Comelec ang pagkandidato ni Estrada.
Sinang-ayunan din ito ni Reggie Velasco, secretary general ng Lakas-CMD sa pagsasabi na hindi pag-uukulan pa ng partido ang pagkuwestiyon sa kandidatura ni Estrada dahil mas marami pa silang dapat na gawin kaysa ipokus sa paghahain ng disqualification case. (Doris Franche)
- Latest
- Trending