MANILA, Philippines - Pinayuhan ni Lingayen-Dagupan Emeritus Archbishop Oscar Cruz si dating Pangulong Joseph Estrada na pag-aralan ang naging karanasan nito noong naging Pangulo ito ng bansa at ang dahilan ng pagkakatalsik nito sa puwesto.
Ayon kay Cruz, alam ng publiko ang mga dahilan ng pagpapatalsik kay Estrada sa puwesto kaya hindi na nito dapat pang ulitin kaugnay ng kanyang balaking muling sumabak sa pagkapangulo ng bansa.
Sinabi ni Cruz na hindi magandang isipin na kumbinsido si Estrada na ang legalisasyon ng jueteng ang siyang mag-aahon sa kahirapan ng maraming Filipino at ang mga tao ay maaaring mabuhay sa sugal.
Sa panig naman ni Sorsogon Bishop Arturo Bastes,Catholic Bishops Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Biblical Apostolate chairman, mas makabubuting huwag nang tumakbo pa sa pagkapangulo si Estrada kung ang legalisasyon ng jueteng ang kanyang iniisip.
Iginiit naman ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani na wala nang epekto ang slogan ni Estrada na ‘ERAP PARA SA MAHIRAP’ dahil mulat na ang tao sa katotohanan. (Doris Franche)