MANILA, Philippines - Umaangal na ang mga miyembro ng Tire Importers and Traders Association of the Philippines dahil sa patuloy na pagdagsa ng mga substandard o mababang uri ng mga gulong na ipinapakalat umano ng isang Chinese national.
Kinilala ang dayuhan na si Chen Ren Hao na gumagamit ng alyas na Ruben Tan at inirereklamo ng mga miyembro ng naturang grupo bunga na rin ng bumabagsak nilang negosyo dahil sa sinasabing iligal na ‘pagpapalusot’ ng una. Isa itong incorporators, stockholder at miyembro ng Board of Directors ng Luxuriant PhilMarketing, Inc. na matatagpuan ang bodega sa Meridian Industrial Complex Brgy. Balibago, Sta Rosa, Laguna.
Sinabi ng grupo na nagkalat na umano sa bansa ang nasabing mga pekeng produkto na ibinabagsak umano sa malalaking outlet na madaling mabili ng mga kustomer.
Sa unang tingin ay maganda ang produkto, subalit kapag nagamit na ay mabilis itong nadudurog na maaring ikapahamak o ikamatay ng nakabili.
Peke rin umano ang ibinibigay na resibo sa kanilang mga kustomer na malaking kawalan sa kita ng gobyerno. (Butch Quejada)