P1 taas pasahe sa jeep nakaamba
MANILA, Philippines - Posibleng muling tumaas ng P1.00 ang pamasahe sa mga pampasaherong jeep matapos na ito’y hilingin ng Alliance of Concerned Transport Organization sa Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB).
Ayon kay Efren de Luna, national president ng ACTO, nasa panahon ang kanilang pagkilos bunsod ng pagtataas ng presyo ng krudo ng tatlong malalaking kompanya ng langis at matagal na rin ang kahilingang ito sa LTFRB.
Sa oras na aksiyunan ng LTRB ang naturang petisyon ay papalo sa P8.00 ang minimum na pasahe sa mga pampasaherong jeep at malaking tulong aniya ito sa mga tsuper para makaahon sa problema sa pera, lalo pa at binayo ng kalamidad ang karamihan sa mga ito.
Una ng nagtaas ng presyo ng kanilang produkto ang Pilipinas Shell kung saan ang diesel ay P2 kada litro, P1.25 sa gasoline at P1.20 kada litro sa kerosene. Sumunod ang Petron Corp., Total Gas Corp. at Chevron Philippines.
Ikinatuwiran ng mga nasabing kompanya na sumusunod lamang sila sa galaw ng halaga ng krudo sa internasyunal na merkado. (Angie dela Cruz/Danilo Garcia)
- Latest
- Trending