PASG nagbabala sa pekeng agent
MANILA, Philippines - Nagbabala kahapon si Presidential Anti-Smuggling Group chief Undersecretary Antonio Villar Jr. sa mga pekeng PASG agent na nangongotong sa mga negosyante.
Sinabi ni Usec. Villar, ipinaabot sa kanya ni Valenzuela Mayor Sherwin Gatchalian na isang Gabriel Alipio ang nagpapakilalang PASG at NBI agent sa mga negosyante at nangingikil ito sa Valenzuela.
Napag-alaman na dating empleyado ng Valenzuela City sa Business Permits and Licensing Office si Alipio pero inireklamo ito ng pangongotong sa Ethics board hanggang sa magbitiw ito.
Sinabi ni Mayor Gatchalian, inihahanda na nila ang kasong criminal laban kay Alipio kasabay ang pakiusap nito sa PASG na magpalabas ng babala upang hindi makapang-biktima ng negosyante ito sa pagpapanggap na PASG at NBI agent.
Nauna rito, isang pekeng PASG agent na si Henry Mariano ang naaresto sa pangongotong sa isang negosyante sa Marikina City. (Rudy Andal)
- Latest
- Trending