MANILA, Philippines - Patuloy na umaani ng suporta ang magandang hangarin sa mga Manileño ni dating presidential peace adviser Sonny Razon makaraang umatras sa mayoralty race si dating Vice Mayor Danny Lacuna kasabay ng paghahayag ng suporta nito sa dating PNP chief.
Sinabi ni Lacuna sa isang panayam na kailangan ng Lungsod ng Maynila ng isang matinding pagbabago at nakikita niya umano na si Razon ang tamang kasagutan sa matagal nang minimithing pagbabago.
Kasabay ng paghahayag ng kanyang pag-atras sa karera para sa pinakamataas na posisyon sa lungsod, sinabi ni Lacuna na bukas ang kanyang kampo na maging pambato ng grupo ni Razon sa congressional race sa ika-anim na distrito ng lungsod.
Naniniwala naman ang mga batikang political analysts sa Maynila na ang hakbang ni Lacuna na tumawid sa kampo ni Razon ay makakadagdag pa sa patuloy na pag-arangkada ng numero ni Razon sa mga survey.
Sa survey noong nakaraang Agosto 2009, umakyat na sa 26% si Razon na nagsimula lamang sa .04% noong February 2009. Naungusan na ni Razon si dating mayor at kasalukuyang DENR secretary Jose Atienza habang natapyas naman nito ang kalamangan ni incumbent Mayor Alfredo Lim.