MANILA, Philippines - Malaki ang paniniwala ng Presidential Anti-Smuggling Group (PASG) na ang pag-amin ni Siu Ting Alpha Kwok na siya din si Kwok Siu Ting na naaresto noong 1997 sa NAIA dahil sa illegal na pag-iingat ng mga alahas ay pagpapatunay na isa siyang smuggler.
Ayon kay PASG chief Undersecretary Antonio Villar Jr., ang pag-amin na ito ni Alpha Kwok ay mati bay na ebidensiya para sa iniharap na smuggling case at paglabag sa Tariff and Customs Code of the Philippines ng PASG.
Sa ginanap na preliminary investigation sa Department of Justice, inamin ni Kwok na siya din ang nahuli sa NAIA Customs Arrival Operations Division dahil sa smuggling ng alahas noong 1997.
Wika pa ni Villar, ang pag-amin na ito ni Kwok na siya ay naaresto sa smuggling sa NAIA noong 1997 ay patunay na simula noon ay illegal na nagpapasok na siya ng alahas sa bansa dahil na rin sa kanyang koneksyon.
Naaresto si Kwok sa NAIA noong Marso 8, 1997 mula Hong Kong lulan ng Cathay Pacific dahil sa pag-iingat ng smuggled jewelry. Matapos ang 12 taon ay naaresto naman siya ng PASG sa condominium nito dahil din sa smuggling ng alahas na nagkakahalaga ng P250 milyon.
Samantala, nagkaloob ng mga nakumpiskang used clothing ang PASG sa mga biktima ng typhoon Ondoy sa pamamagitan ng Oplan Sagip Bayan ni Pangulong Arroyo. (Rudy Andal)