Landslide sa Baguio, Benguet, Mt. Province, mahigit 100 katao patay!
MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang umaabot sa mahigit 100 katao ang nasawi sa mga landslide at baha na dulot ng hagupit ni Supertyphoon Pepeng sa Benguet, Mountain Province, Baguio City at ibang bahagi ng hilagang Luzon.
Sa update ni Benguet Provincial Police Office Director Sr. Supt. Loreto Espinelli, 75 katao na ang namatay at narekober sa pagpapatuloy ng search and retrieval operation simula pa nitong Huwebes.
Nasa kasarapan umano ng tulog ang mga residente bandang alas-10 ng gabi ng gumuho ang gilid ng bundok at matabunan ng lupa ang may 30 bahay. Nasa 100 katao pa ang sinasabing nawawala.
Iniulat naman ni Baguio City Police Director Sr. Supt. Agripino Javier na 29 katao ang nasawi sa serye rin ng landslide umpisa kamakalawa ng hapon hanggang noong gabi ng Huwebes sa lungsod, 13 ang nasugatan at siyam pa ang nawawala.
Samantala, ayon kay Mt. Province Governor Maximo Dulag, lima katao ang kumpirmadong nasawi at 32 ang nawawala sa Tadian.
Ayon naman kay National Disaster Coordinating Council Spokesman Lt. Col. Ernesto Torres Jr., 12 ang namatay sa La Union, apat ang patay sa Pangasinan; isa sa Ilocos Sur; isa sa Ilocos Norte; dalawa sa Ifugao, isa sa Nueva Ecija; isa sa lalawigan ng Quezon at dalawa sa Camarines Sur. Sa report ng pulisya ayAyon sa mga opisyal, si Pepeng ay bumagsak nang tatlong beses umpisa ng tumama ito sa bansa noong Oktubre 3 sa Tuguegarao City, Cagayan at ngayon ay nasa bisinidad ng Ilocos Sur sa distansyang 60 KM sa hilaga at hilagang kanluran ng Baguio City na may taglay na lakas ng hangin na 55 KPH malapit sa gitna.
Kaugnay nito, inihayag naman ni AFP-Public Affairs Office (AFP-PAO) Chief Lt. Col. Romeo Brawner Jr., na naglunsad na ng malawakang rescue operation ang tropa ng militar at dito’y tumulong ang mga sundalong Amerikano sa mga lugar na sinalanta ng landslides at flashflood ni Pepeng sa Hilagang Luzon.
Dahil sa banta ng marami pang landslide, isinara ng mga opisyal ng Baguio City ang pangunahing mga kalsada rito kabilang ang Kennon Road, Naguillan Highway, Marcos Highway, Ambuklao Road at isa pang kalsadang nag-uugnay sa Baguio City at Benguet.
Kahapon ay inutos na rin ni Pangulong Arroyo na buksan ang The Mansion at Malacanang of the South sa Baguio City upang pansamantalang maging evacuation center ng mga nagsisilikas.
- Latest
- Trending



















