Bagong low pressure naispatan sa Visayas

MANILA, Philippines - Hindi pa man nakakawala ang bagyong Pepeng sa bansa, isa na namang sama ng panahon o low pressure area (LPA) ang namataan sa bansa.

Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration, ang bagong LPA ay namataan sa layong 1,800 kilometro ng silangan ng Visayas. Patuloy anyang sinusubaybayan ng Pagasa ang LPA pero wala pang epekto ito sa bansa.

Samantala, humina na ng tuluyan ang bagyong Pe­peng pero inaasahan pa rin ang dala nitong mga pag-uulan sa Northern Luzon dahil mahigit pa sa tatlong araw ang itatagal ng bagyo dito habang mabagal ang pagkilos.

Kahapon alas-11 ng umaga, si Pepeng ay namataan sa layong 40 kilometro ng timog silangan ng Tuguegarao City taglay ang pinaka malakas na hanging 55 kilometro kada oras malapit sa gitna.

Ngayong Huwebes, si Pepeng ay inaasahang nasa layong 60 kilometro silangan timog silangan ng Tuguegarao City at nasa layong 80 kilometro silangan timog silangan ng Tuguegarao City sa Biyernes.

Signal no.1 pa rin sa Batanes group of Islands; Cagayan; Babuyan Island; Calayan Island; Ilocos Norte; Apayao; Abra; Kalinga; Ilocos Sur; Mountain Province; Isabela; at Ifugao Province. (Angie dela Cruz)

Show comments