MANILA, Philippines - Nagpatupad ng panibagong rollback sa presyo ng kanilang gasolina, kerosene at diesel ang Pilipinas Shell Corp. epektibo kaninang hatinggabi.
Sa isang pahayag, tatapyasan nila ng P.75 sentimos kada litro ang halaga ng lahat ng produkto nilang gasolina, premium o unleaded at maging ang kanilang kerosene. Babawasan naman ng P.50 sentimos kada litro ang diesel.
Ang rollback ay bunsod umano ng patuloy na pagbaba ng halaga ng krudo sa internasyunal na merkado at inaasahan pang bababa sa mga darating pang linggo.
Wala pang abiso ang Petron at Chevron ngunit inaasahan na susunod ang mga ito sa galaw ng Shell maging ang iba pang mga oil players sa bansa. (Danilo Garcia)