Pepeng tumambay sa Norte

MANILA, Philippines - Humina pero tumambay pa sa hilagang Luzon ang bag­yong Pepeng sa halip na tulu­yang lumabas ng bansa.

Ito ang nabatid kahapon sa chief forecaster ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Service Administration na si Nathaniel Cruz na nagsabi pa na pumirmi pa muna sa hilagang Luzon si Pepeng dahil pinababalik ito ng isa pang bagong bagyong si Melor.

Patuloy namang magbu­bunsod ng malakas na ulan si Pepeng na namataan sa la­yong 143 milya mula sa hila­gang Laoag City habang isinu­sulat ito.

Nasa northern pacific na­man si Melor na tumutulak nang pakanluran. Hindi na­man ito nagbabanta sa hila­gang bahagi ng bansa, ayon kay Cruz.

Nagsimulang manalasa sa Luzon si Pepeng noong Sa­bado. Nagdulot din ito ng mga pagbaha at pagguho ng lupa at ikinasawi ng 16 na tao. Hindi naman nito tina­maan ang kalakhang May­nila.

Ngayong Martes, si Pe­peng ay inaasahang nasa layong 240 kilometro ng hilagang kanluran ng Laoag City at bukas ay nasa layong 270 kilomero ng kanluran hilagang kanluran ng lunsod.   

Gayunman, nakataas pa rin ang signal number 1 ng bagyo sa Ilocos Norte sa­man­­talang signal number 2 sa Ilocos Sur, Abra, Apayao, Ba­tanes, Northern Cagayan, Ca­layan Islands at Babuyan Islands. (Angie dela Cruz at AP)

Show comments