Bar at LET exams tuloy ngayon

MANILA, Philippines - Tuloy na ngayong araw ang pagsusulit sa Licensure Examination for Teachers (LET) at nakatakdang Bar Examination na parehong nakansela noong nakalipas na Linggo bunga ng bagyong Ondoy.

Sinabi ni Professional Regulation Commission (PRC) Commissioner Ruth Padilla na may 85,377 examinees ang inaasahang kukuha ng licensure exams sa iba’t-ibang testing center sa bansa.

Sa Maynila ay naka-schedule ang 18,962 examinees. Wala ring pagbabago sa mga itinakdang seat number, testing center na naka-assign sa examinees.

Nangako naman si Padilla na sinuman sa examinees ang di makakuha ng pagsusulit dahil sa bagyong Pepeng, maaari silang kumuha ng exam sa Abril 2010 at hindi na sila sisingilin ng panibago subalit kailangan nilang mag­sumite muli ng application para sa teacher’s exam at lalag­yan na lamang ng attachment na “notice of admission” ng LET ngayong taon

Kinakailangan dalhin ng examinees ang kanilang admission slip nitong Setyembre 27 at valid ID sa mga testing center na naka-assign sa kanila.

Sa pahayag naman ni Atty. Midas Marquez, taga­pagsalita ng Korte Suprema, tuloy din ngayong araw ang nakanselang huling bahagi ng 2009 Bar Examinations, sa dating itinakdang oras sa Dela Salle University, Taft Avenue, Malate, Maynila. (Ludy Bermudo/Gemma Garcia)

Show comments