MANILA, Philippines - Kinumpirma kahapon ng Department of Foreign Affairs (DFA) na isang Pinay immigrant ang kabilang sa mga nasawi dahil sa tsunami na tumama sa Samoa Islands sa South Pacific noong Martes (bago magmadaling-araw ng Miyerkules sa Maynila).
Kinilala ni DFA spokesperson Ed Malaya ang biktima na si Godofreda Reambonza-Palma, 62, na tubong Dipolog City sa Zamboanga del Norte.
Ang biktima ay nabatid na nag-migrate na sa naturang lugar at naninirahan sa Pago Pago town sa American Samoa, isang US territory na may 65,000 residente, bilang isang negosyante.
Ang biktima ay wala umanong ibang kaanak sa naturang US territory, kaya’t inaasikaso na ngayon ng DFA ang pagpapabalik sa bansa ng mga labi nito.
Ayon kay Malaya, ang Pago at Leone ang pinakamatinding napinsala ng Tsunami, na sinasabing kumitil ng buhay ng may 169 katao.
Masuwerte umanong dakong 7:00 ng umaga nang maganap ang insidente kaya’t nasa mga tahanan pa ang mga tao at nagawa ng mga ito na makalikas sa mas ligtas na lugar.
Ayon sa DFA, tinatayang may 2,000 Pinoy sa American Samoa at 25 naman sa Samoa. (Ellen Fernando/Mer Layson)