Panic buying!

MANILA, Philippines - Ito ang kasalukuyang scenario sa mga supermarket, restaurants at iba pang pamilihan halos isang linggo matapos na hagupitin ng delubyo ng bagyong Ondoy ang kalakhang Maynila at ilang lalawigan.

Nasaksihan sa paglilibot ng reporter na ito sa ilang mga lugar na grabeng sinalanta ni Ondoy sa Marikina City, Pasig, Cainta, Taytay, Antipolo City at iba pang bayan sa lalawigan ng Rizal na dumaranas ng krisis sa pagkain dahil walang mabili at dumarayo pa ang mga ito sa ibang mga lugar.

Sa mga supermarket ay pila-balde ang mga residente na namimili ng mga noodles at pagkaing de lata upang iimbak sa kanilang mga tahanan lalo na at pumasok na sa bansa ang isa pang bagyong si Pepeng.

Ayon sa ilang residente ng Marikina City, wala silang mabilhan ng mga pagkain sa kanilang lugar samantalang halos pila-balde rin ang ilang mga restaurant sa Cainta at nauubusan ng mga order.

Ayon sa ilang mamimili, nag-iimbak na sila ng mga kandila dahil wala pa ring kuryente sa Pasig City matapos masira ang maraming circuits ng Meralco.

Marami pa rin sa mga establisimyento sa Marikina City ang sarado pa rin na nagdulot ng krisis sa pagkain kaya napipilitan ang mga tao na dumayo sa ibang lugar upang mamili ng pagkain.

Sa kasalukuyan, ayon naman kay Marikina City Mayor Marides Fernando ay tatagal pa bago nila mapa­numbalik sa dating kalinisan ang lungsod na nagtambak pa rin ang mga basura na dulot ng pananalasa ng bagyo.

Nababalutan pa rin ng makakapal na putik ang napakaraming mga sasakyan sa Marikina City kabilang na ang mga nasa car shop. (Joy Cantos)

Show comments