Kuya Germs binara si Jamby
MANILA, Philippines - Mismong ang kilalang TV host na si German Moreno o Kuya Germs ay asiwa at aburido na rin kay Senador Maria Consuelo “Jamby” Madrigal sa usaping C5 hearings.
Binatikos ni Moreno si Madrigal dahil mas inuuna pa raw nito ang pagbato ng putik at pamumulitika imbis na pagtuunan ng pansin ang pagtulong sa daang libong mga mamamayang nagdurusa dahil sa bagyong Ondoy.
Sa programa niya sa DZBB noong Martes, sinabi ni Moreno na bakit korupsyon at iba pang bahid pulitika ang pinupuntirya ni Madrigal. Dapat anya ay pagtulong sa mga nasalanta ng bagyo ang pagkaabalahan nito.
Ginawa ni Moreno ang pahayag bilang reaksyon sa panibagong pagdinig ng Senado noong Martes sa kontrobersyal na double insertion ng budget ng C5 Road. Dito, pinipilit ng kampo nina Madrigal at Senador Mar Roxas na hanapan ng butas ang mga testigong nag-absuwelto kay Senador Manny Villar sa naturang usapin.
Habang inuupakan si Villar ng kanyang mga kalaban sa pulitika tulad nila Madrigal at Roxas, siya at ang mga kasama niya sa Nacionalista party ay nasa mga evacuation centers at namimigay ng ayuda sa libo-libong biktima ng trahedya.
Tulad ng dati, idiniin ng isang pangunahing testigo na si dating Bureau of Internal Revenue (BIR) officer Carmelita Bacod na tama ang kwenta ng buwis na binayaran ng mga kumpanya ni Villar sa mga lupaing sumasaklaw sa C5 project.
Ang C5 hearings sa kasalukuyan ay umabot na sa 18 pagdinig kasama ang kahapon, Huwebes.
May isang taon na ring nagaganap at milyon milyon na ang nagastos ng Senado sa nasabing imbestigasyon subalit hanggang sa kasalukuyan ay puro paratang hangin lang ang nailalatag ng kampo ni Madrigal.
Ang imbestigasyon sa C5 ay pinangungunahan ni Senador Panfilo “Ping” Lac son, isa ring pangunahing kritiko at kalaban sa pulitika ni Villar. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending