MANILA, Philippines - Inihahanda na ng Department of Health ang pagbibigay ng anti-venom sa mga makakagat ng ahas o anumang insekto dahil sa paglalabasan ng mga ito dulot ng matinding pagbaha.
Ayon kay Luz Claveria ng DOH operation center, inihahanda na ang mga naturang gamot para maiwasan ang paglala ng mga kagat ng ahas at insekto.
Inaasahan na rin ng DOH ang naturang sitwasyon dahil sa naganap na pagbaha na dala ng bagyong Ondoy, lalo na ang paglabas ng mga ahas at buwaya.
Batay sa ulat ng World Health Organization (WHO) sa South-East Asia, tinatayang nasa 200-300 katao ang nasasawi sa bansa dahil sa kagat ng ahas kada taon at karaniwang biktima ang mga magsasaka.
Una ng naiulat na nakikita na ang nagkalat na mga ahas sa ilang lugar sa Quezon City, Marikina, Cainta at Rizal.
Nakakita rin ng maraming patay na ahas ang ilang residente ng Cavite matapos na humupa ang baha sa kanilang lugar. (Doris Franche/Ludy Bermudo)