MANILA, Philippines - Makalipas ang ilang linggong pagtatago, lumutang ang isang survivor sa tangkang salvage upang tumulong sa pagresolba sa pagpatay sa kanyang kasama nang dahil lamang sa sinisingil nilang mahigit P1,000 na sahod sa kanilang amo sa lalawigan ng Rizal.
Sa kanyang paglapit kay human rights lawyer Quezon City Majority Floor leader, Atty. Ariel Inton, ikinuwento ni Pana Ramonal, 28 anyos, ng Sta. Maria, Bulacan ang tangka umanong paglikida sa kanya at ang pagsalvage sa kanyang kasama na si Michael Umaya, 29-anyos, welder nang singilin nila ang kanilang sahod para sa ilang araw na pagta-trabaho sa kanilang among si Architect Apen Encarnacion.
Hindi umano humarap ang arkitekto sa dalawa at ang asawa lamang nito ang nakipag-usap sa kanila at tumangging ibigay ang sweldo na P1125.
Nang papaalis na ang dalawa sa bahay ng amo sa Greenwood Subdivision sa Taytay, Rizal noong Agosto 29, isang alyas Greg na sinasabing pinsan at driver ni Encarnacion ang humarang sa kanila at sinabing ipinatatawag sila ng amo.
Pagsakay nila sa behikulo, kasama ni Greg ang tatlong iba pa na silang sumaksak kay Umaya.
Sa takot ni Ramonal, tumalon ito sa sasakyan at habang papalayo ay nakarinig ng apat na sunud-sunod na putok ng baril na natuklasang direktang itinama sa katawan ni Umaya.
“We will give him legal assistance, kahit hindi siya taga QC kasi ang pagtulong naman knows no boundary,” saad ni Inton bilang pagtanggap kay Ramonal. (Ricky Tulipat)