Bilyonaryo sinopla ng gobyerno
MANILA, Philippines - Tinanggihan kamakailan ng pamahalaan ang alok ng bilyunaryong Filipino-Chinese na si Mariano Tanenglian na handa siyang tumestigo sa kasong ill-gotten wealth laban sa kapatid niyang negosyanteng si Lucio Tan at ibang mga akusado.
Ang naturang kaso ay may kinalaman sa mga umano’y nakaw na yaman ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Sinabi ni Solicitor General at Justice Secretary Agnes Devanadera na malabo ang motibo ni Tanenglian at disbentahe sa pamahalaan ang hinihingi nitong immunity from prosecution.
Ipinahatid na ng tanggapan ni Devanadera sa Presidental Commission on Good Government ang rekomendasyong tumatanggi sa alok at hiling ni Tanenglian.
Sinabi pa ni Devanadera na kaduda-duda at kuwestyunable ang pagtalikod ni Tanenglian kay Tan dahil merong personal na away ang magkapatid na umabot pa sa korte.
Idinagdag niya na ayaw ng pamahalaan na manghimasok o mapasubo sa away ng magkapatid.
Bukod dito, tumagal na ng 20 taon ang kaso bago nag-alok si Tanenglian ng testimonya nito at walang bagong impormasyong maibibigay ito sa PCGG.
Kung matatandaan, ipinagharap ng mga kasong kriminal si Tanenglian at pamilya nito dahil sa umano’y pananakit sa kanilang mga kasambahay. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending