MANILA, Philippines - Isang pagyanig ang naramdaman sa ibat ibang bahagi ng Metro Manila at karatig lalawigan sa lakas na 5.28 magnitude ganap na alas 2:23 ng hapon kahapon nang gumalaw ang Manila Trench.
Ayon kay Esmeralda Panganan, seismologist ng Philippine Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang origin ng naturang pagyanig ay tectonic at shallow ang lalim nito.
Bunsod nito, naramdaman ang lindol sa Batangas City sa lakas na intensity 4, intensity 3 sa Makati, Pasay at Maynila gayundin sa Lucban, Quezon at Tagaytay. Intensity 2 naman sa San Jose, Occidental Mindoro at Puerto Galera.
Gayunman, hindi ito naramdaman ng mga tao dahil sa karagatan naitala ang lindol. Wala ring naiulat na aftershocks at wala ding napinsalang ari-arian kaugnay ng naganap na pagyanig. (Angie dela Cruz)