MANILA, Philippines - Tuluyan nang inalis si dating police Superintendent Glen Dumlao mula sa listahan ng mga akusado sa Dacer-Corbito double murder case.
Ayon kina Atty. Morel Callueng at Atty. Cesar Brillantes, Ito’y matapos na pagtibayin ni Manila Regional Trial Court (RTC) Judge Myra Garcia-Fernandez ng Branch 18 ang unang desisyon ng Korte Suprema noong 2005 na alisin si Dumlao bilang respondent sa kaso ng pagpatay kina dating publicist Salvador “Bubby” Dacer at driver na si Emmanuel Corbito noong 2000.
Sinabi nina Atty. Morel Callueng at Atty. Cesar Brillantes na hindi na isa sa mga akusado si Dumlao at magsisilbi na lamang ito bilang isang “ordinary witness” ng prosecution. Gayunman, mananatili umano sa protective custody ng National Bureau of Investigation si Dumlao hangga’t hindi ito nagdedesisyon na hindi na niya kailangan ang proteksyon.
Si Dumlao ay miyembro ng nabuwag na Presidential Anti-Organized Crime Task Force noong 2000 sa ilalim ni noo’y Philippine National Police Director General Panfilo Lacson sa administrasyon ni dating Pangulong Joseph Estrada. (Doris Franche/Ludy Bermudo)