MANILA, Philippines - Umaabot sa 193 preso na may ibat-ibang kaso mula sa National Bilibid Prison (NBP) ang pinalaya kahapon ng Department of Justice.
Pinangunahan ni Acting Justice Secretary Agnes Devanadera, mga opisyal ng DOJ at Bureau of Correction (Bucor) Director Oscar Calderon ang pagpapalaya sa mga bilanggo bilang bahagi ng mga nakalinyang aktibidad sa ika-112th anniversary celebration ng DOJ.
Kabilang sa napalaya ang pinakabatang preso na nagdiwang din ng kanyang ika-22 kaarawan si Johnny Sayre, tubong Ozamis City na nakulong noong siya ay 15 anyos pa lamang dahil sa kasong droga.
Pinakamatanda namang preso na pinalaya si Alfredo Baluyot, 62, tubong Balanga, Bataan na mayroong kasong estafa.
Ito na ang huling batch ng mga bilanggo na pinalaya ng DOJ bilang pagdiriwang na rin ng anibersayo ng kagawaran. Tiwala naman si NBI Director Nestor Mantaring na handa na ang mga dating bilanggo na humarap muli sa lipunan dahil sa mga pinagdaanang programa tulad ng Christian values formation at ibat ibang educational courses na inaasahang magagamit upang maging produktibo at masunuring mamamayan sa labas ng piitan.(Gemma Garcia/Ludy Bermudo)