Chavit sibakin na!
MANILA, Philippines - Muling iginiit kahapon ng grupong Gabriela sa Malakanyang na tanggalin sa tungkulin si Deputy National Security Adviser Luis “Chavit” Singson dahil sa panggugulpi niya sa dati niyang live in partner na si Rachel “Che” Tiongson.
Sinabi ni Gabriela Secretary General Emmi de Jesus na, bilang babaeng lider ng bansa, dapat hindi lang basta maaalarma si Pangulong Gloria Arroyo kundi dapat na nitong tanggalin sa puwesto si Singson.
Idiniin ni de Jesus na hindi na kailangang idaan sa korte ang usapin dahil inaamin ni Singson ang pananakit nito kay Tiongson.
Nauna rito, hinikayat ng Malakanyang si Singson na magbakasyon muna sa trabaho pero sinabi niya sa isang panayam kahapon na wala siyang planong mag-leave of absence.
Sinabi ni Singson na siya ang biktima sa pangyayari dahil niyurakan ni Tiongson ang kanyang pagkalalake.
Idinagdag niya na puwede naman siyang “patalsikin” sa kanyang posisyon kung nanaisin ng Malacañang pero wala siyang balak na “magbakasyon”.
Aniya, personal ang problemang kinakaharap niya sa kanyang dating live-in partner at walang kinalaman dito ang kanyang trabaho bilang deputy national security adviser.
Iginiit din ni Singson na wala siyang ginamit na resources ng National Intelligence Coordinating Agency nang pasubay bayan niya si Tiongson na nahuli niyang kasama ng kalaguyo o nobyo nito.
Aniya, mahirap ang kanyang tanggapan dahil pati ang kanyang dalawang sekretarya ay hindi pa rin nakakasuweldo sa gobyerno.
Gayunman, sinabi ni Singson na ipinauubaya na lamang niya sa kanyang immediate superior na si National Security Advier Secretary Norberto Gonzales ang desisyon.
Ayon kay Singson, nagkausap na sila ni Gonzales kamakalawa ng gabi subalit tumangging magbigay ito ng anumang detalye.
Samantala, inatasan kahapon ni Quezon City Regional Trial Court Judge Angelen Mary Quimpo-Sale sina Singson at Tiongson na manahimik muna at huwag magbigay ng anumang pahayag habang dinidinig ang kasong isinampa ni Tiongson laban kay Singson.
Ayon sa abogado ni Tiongson na si Atty. Dexter Lacuanan, isang pribadong usapin ang kaso ng kanyang kliyente kaya dapat itong igalang.
- Latest
- Trending
















