SuperFerry probe: Survivors ipapatawag
MANILA, Philippines - Ipapatawag ng Board of Marine Inquiry ng Philippine Coast Guard ang mga pasaherong nakaligtas sa paglubog ng barkong SuperFerry 9 sa Siocon Bay sa Zamboanga del Norte kamakalawa para sa imbestigasyon sa insidente na sisimulan sa Biyernes.
Kabilang sa sisilipin sa imbestigasyon kung nakasunod sa standard requirements ng International Maritime Organization at kung dapat na agad suspendihin ang operasyon ng mga barko ng Aboitiz na may-ari ng lumubog na SuperFerry.
Kinumpirma rin ng PCG na dalawang pasahero na lang ang hinahanap at umabot sa siyam na tao ang nasawi sa trahedya.
Tatlo sa mga namatay ang nakilalang sina James Calero, 2; Carina Ampere, 23; at Fernando Estrada, 45, cameraman ng Star Cinema Productions.
Uusisain naman ang mga nakaligtas na pasahero para mabatid ang mga pangyayari sa pagtagilid at paglubog ng barko habang naglalayag ito mula sa General Santos City.
Kabilang sa mga sinasabing kapabayaan ang pagtuloy pa rin ng biyahe kahit nakatagilid na ang barko noong nasa General Santos City pa ito, patay-sindi ang generator set at posibleng kapabayaan sa kargamento na maaring may napatid kaya bumigat sa kanang bahagi kaya tumagilid at tuluyang lumubog.
Iniutos kahapon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang mabilisang pag-iimbestiga sa BMI upang mabatid ang tunay na dahilan ng paglubog ng SuperFerry 9 sa Zamboanga Peninsula noong Linggo.
Inatasan din ng Pangulo ang Department of Health at Department of Social Welfare and Development na tulungan ang mga biktima.
Nangako naman ang Aboitiz na tutulungan nila ang mga pamilya ng mga nasawi gayundin ang mga nasugatang pasahero.
Umaabot na sa siyam katao ang naitalang death toll, 967 ang nailigtas habang dalawa na lang ang nawawala sa malagim na trahedya sa paglubog kamakalawa ng Super Ferry 9.
Sa mga survivors, 29 dito ay mga crewmembers ng ABS-CBN-Star Cinema na nag-shot ng ilang scene sa General Santos City para sa pelikulang pagbibidahan ni dating Pangulong Joseph ‘Erap’ Estrada.
Sinasabing, bago lumubog ang barko, nakarinig ang mga survivors ng kakaibang ingay galing sa ibabang bahagi ng barko matapos na isakay rito ang mga container vans.
Ang nasabing barko na may lulang 968 katao ay umalis sa pier ng General Santos City dakong alas-8:45 ng umaga noong Setyembre 5 patungo sana sa Iloilo City nang aksidenteng lumubog ito nitong linggo. Ipinag-utos ng kapitan nitong si Jose Yap ang ‘abandon ship’ matapos na tumagilid ang barko hanggang sa tuluyan itong lumubog.
Nabatid na may kargang 200,000 litrong industrial fuel oil; 80,000 litro ng automotive diesel oil, 10,000 litro ng lube oil ang SuperFerry 9 pero iginiit ng pangasiwaan nito na wala itong kargang mapanganib na mga kemikal .
Ayon sa NDCC, sa kabuuang 968 katao na nasa manifest ng Super Ferry 9, 847 rito ang pasahero, 117 ang crew at apat naman ang sea marshals pero maliban dito ay hinihinalang overloaded ang barko.
Samantala, nilinaw kahapon ng Star Cinema na tanging mga kagamitan lamang nila sa pagsu-shooting ng comeback movie ni Estrada na “Tanging Pamilya” ang nakasama sa paglubog ng MV SuperFerry 9.
Sa panayam sa radio (Bombo Radyo), sinabi ni Alvin Despa, unit head ng Star Cinema crew, na lulan din ng lumubog na barko at isa sa mga masuwerteng nakaligtas sa trahedya, nailigtas ang mga footage na kinunan sa General Santos City dahil dinala ang mga ito sa Maynila sa pamamagitan ng eroplano.
Ayon kay Despa, ang mga lumubog lamang kasama ng SuperFerry 9 ay ang dala nilang equipment tulad ng camera, mga props at generators.
- Latest
- Trending