MANILA, Philippines - Isinusulong ni House Deputy Majority Leader at Aurora Rep. Juan Edgardo M. Angara, ang “no work, no pork” policy laban sa mga kongresistang absenero para masolusyunan ang problema ng kawalan ng quorum sa tuwing magkakaroon ng botohan sa Kongreso.
Ang nasabing polisiya ay tiyak aniyang papatok at maisusulong para mapilitan ang bawat miyembro ng Kongreso na dumalo sa mga session ng Kongreso, para hindi maantala ang pagpapasa ng batas.
Iginiit nito na ang kawalan palagi ng quorum ang nagiging dahilan kaya hindi agad naipapasa ang mga isinusulong na batas, lalo na ang mga kapakipakinabang.
Nilinaw pa ni Angara na kung ayaw ng mga mambabatas na mawalan ng pork barrel at hindi matugunan ang mga pangangailangan ng kanyang mga nasasakupan ay tiyak na magsisipag ang mga ito na dumalo sa anumang session ng Kamara.
Aniya, napakarami ng hakbang para matigil ang pagiging absenero ng mga mambabatas gaya ng pagmumulta at pagbabawas sa kanilang pork barrels ngunit ang lahat ng ito ay hindi naging matagumpay. (Butch Quejada)