MANILA, Philippines - Walang Pinoy na kabilang sa mga nasugatan o nasawi sa malakas na lindol sa Indonesia.
Ayon kay Ed Malaya, tagapagsalita ng Department of Foreign Affairs (DFA), wala pang natatanggap na report ang Embahada ng Pilipinas sa Jakarta kaugnay sa mga naapektuhang Pinoy sa 7.4 magnitude na lindol na tumama sa Indonesia na ikinasawi ng may 44 katao, 110 ang sugatan at marami pang nawawala.
Sinabi ni Malaya na may 8,000 Pinoy ang kasalukuyang nasa Jakarta nang maganap ang lindol.
Bunga ng napakalakas na pagyanig, gumuho at tumumba ang mga malalaking gusali sa West Java province kung saan tinataya na 700 gusali ang nawasak.
Karamihan sa mga nasawi at nasugatan ay bunga ng nagliliparang mga debris ng mga gusali at sa mga bumagsak na pader at bubungan. Ang isla ng Java ang isa sa mga malakas na tinamaan ng lindol.
Umaasa naman ang DFA na walang Pinoy sa may 40 katao na iniulat na nawawala at posibleng natabunan ng mga gumuhong gusali. (Ellen Fernando)