MANILA, Philippines - Tila nagpahiwatig ka makailan si dating Pangulong Joseph Estrada na isang “hao shiao” o pekeng oposisyon si Senador Jamby Madrigal ng sabihin niya sa Kapihan sa Senado na mga lehitimong oposisyon lang na sina Senators Mar Roxas, Manny Villar, Loren Legarda, at Francis Escudero ang kanyang kakausapin para sa kanilang pagkakaisa sa darating na halalan. Hindi binanggit ni Estrada si Madrigal na kamakailan lang ay nagsabing tatakbo din siya sa pagka-pangulo.
Ayon naman kay Madrigal na nagbigay din ng pahayag sa media, hindi siya aatras sa pagtakbo kahit na pakiusapan siya ni Estrada.
Sinabi pa ni Madrigal na sayang lang ang oras niya kay Estrada kung ang pag-uusapan ay pagbaba niya sa posisyon ng bise presidente. Mariing sinabi ni Madrigal na ang taumbayan ang huhusga at hindi si Estrada.
Hindi rin binanggit ni Estrada si Madrigal sa mga posibleng susuportahan niyang kandidatong senador sa susunod na taon.
Nahambing kamakailan si Madrigal sa mga nuisance candidates na tumakbong pangulo nung 2004 elections katulad nila Atty. Ely Pamatong at Eddie Gil.
Samantala, mismong si Senador Aquilino Pimentel na kapartido ni Madrigal sa PDP Laban ay pinayuhan ang babaeng Senador na baka mas maganda na maghanap na ng ibang partido. Si Makati Mayor Jejomar Binay ang tatayong standard bearer ng PDP-Laban sa 2010. (Butch Quejada)