MANILA, Philippines - Maari nang tapusin ng Department of Justice (DOJ) ang imbestigasyon nito kaugnay sa Dacer-Corbito double murder case kahit na wala ang counter affidavit ni Senador Panfilo Lacson.
Ayon kay Justice Acting Secretary Agnes Devana dera, binigyan na nila ng pagkakataon ang Senador na magpaliwanag sa pagkakasangkot sa kaniya sa Dacer-Corbito double murder case subalit hindi niya ito ginawa at sa halip ay mas pinili pa nitong mag-file ng petition sa Court of Appeals (CA) upang pigilan ang DOJ sa pag-iimbestiga sa kaso, na ibinasura rin lang.
Nilinaw ng kalihim na ginagawa lamang ng DOJ ang kanilang trabaho sa pamamagitan ng pagkilos sa inihaing reklamo ng mga anak ng publicist na si Bubby Dacer noong Marso kung saan hinihiling ng mga ito na imbestigahan si Lacson dahil sa umano’y sangkot ito sa pagpatay.
Pinagbasehan umano ng magkakapatid na Dacer ang affidavit ni dating Senior Supt. Cesar Mancao III na nagsasabing si Lacson at dating Pangulong Joseph Estrada ang nag-utos na patayin si Dacer at pinatay na rin ang driver nitong si Emmanuel Corbito upang walang maging testigo sa krimen.
Nilinaw naman ni Devanadera na maaari pa ring maghain ng counter affidavit si Lacson sa susunod na hearing sa September 3 kung gusto nito. (Gemma Garcia/Ludy Bermudo)