'Yellow fever'
MANILA, Philippines - Kulay dilaw ang hinihinging palatandaan ni Senator Simeon Benigno “Noynoy” Aquino III para makumbinsing tumakbo sa 2010 election bilang pangulo o bise-presidente.
Sinabi ni Aquino na kung magku-kulay dilaw ang buong paligid o marami ang magsusuot ng dilaw na damit, magsasabit ng yellow ribbon at yellow ID ay saka siya magdedesisyon na tumakbo sa mas mataas na posisyon.
“Wear something yellow on your person, notes, with your ID, panglagay sa bahay, sa sasakyan para mapakita na marami tayo ditong umaasa at magcko-commit na babaguhin natin itong ating bayan,” sabi ni Aquino.
Nilinaw pa rin ni Aquino na hindi dapat bigyan ng anumang malisya ang pinaiikot na signature campaign ng grupong “The Heightened Ethics League of the Philippines” ngunit mas makabubuti kung ang pagsusuot pa rin ng dilaw ang gagawin ng publiko dahil ito ay maituturing na “public statement” na hinihikayat siyang tumakbo sa mas mataas na posisyon dahil ito ang isang “sign” na kanyang hinihingi dahil hindi niya ito itutuloy kung walang makukuhang suporta mula sa mga mamamayan.
At kung makikita ang tahasang suporta at kahilingan ng publiko ay maaaring mabago ang desisyon ng kanyang mga kapatid na tumututol sa kanyang kandidatura.
Ngayong linggo ay magpupulong sina Aquino at Senador Manuel Roxas II, pangulo ng Liberal Party, pero tumanggi si Aquino na banggitin kung anong pag-uusapan.
Kinumpirma rin ni Aquino na ilalabas niya ang kanyang desisyon pagkatapos ng ika-40 days na kamatayan ng kanyang ina sa Setyembre 9.
- Latest
- Trending