Villar nanguna sa Pulse Asia
MANILA, Philippines - Kung ang eleksiyon sa Mayo 2010 ay gagawin ngayon, dalawampu’t limang porsiyento (25%) sa mga Pinoy ay iboboto si Senador Manny B. Villar Jr. bilang susunod na pangulo ng Pilipinas.
Ito ang inilabas kahapon ng Pulse Asia sa kanilang pinakabagong 2010 presidential survey sa pagitan ng Hulyo 28-Agosto 10 na nilahukan ng 1,800 respondents sa buong Pilipinas.
Sumunod kay Villar si dating impeached President Joseph “Erap” Estrada na nakakuha ng 19% at si Vice Pres. Noli de Castro ay nagtala ng 15% sa ikatlong puwesto.
Samantalang sina Senador Francis G. Escudero at Manuel A. Roxas ll ay nagtala rin ng double digit presidential voter preferences (12% at 11%, ayon sa pagkakasunod).
Ang survey, na ginawa habang nagluluksa ang mga Pinoy sa pagkamatay ni dating Pangulo Corazon Aquino, ay ginawa ng face to face interview sa mga naturang respondent na may edad 18 pataas.
Si Villar, pangulo ng Nacionalista Party, ay nanguna rin sa pinakabagong presidential survey ng SWS sa buwan ng Hunyo 19-22 na mayroong 22%, habang si Estrada ay nakakuha ng 19% at si Escudero ay 18%. Nasa ikaapat na puwesto si de Castro sa kanyang 14%.
Ang Pulse Asia at SWS surveys ay hindi pa sumala sa kanilang mga survey sa nakaraang mga halalan, partikular sa pampanguluhan. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending