Tipo-tipo, Basilan, Philippines - Pinangunahan kamakailan ni Defense Secretary Gilbert Teodoro Jr. ang isang humanitarian mission dito at pinuri ang ginagawang aksiyon ng pa mahalaan upang maipagpatuloy ang usaping pangkapayapaan at mga development programs.
Ilang araw matapos na magapi ng militar ang mga teroristang Abu Sayyaff sa Tipo-Tipo, nagsagawa pa rin ng feeding at medical program si Teodoro habang patuloy naman ang pagtugis ng militar sa mga bandido.
Ayon kay Teodoro, kailangan nila ng kooperasyon ng sibilyan upang tuluyan nang magapi ang mga bandido na patuloy na naghahasik ng kaguluhan sa lalawigan.
Iginiit ni Teodoro na, upang magapi ang Abu Sayyaf, kailangang ipatupad ang batas sa Basilan at pagbibigay ng kabuhayan sa mga naapektuhang mamamayan.
Ipinahayag din ni Teodoro ang pagsisimula ng konstruksiyon ng circumferential road na sinasabing mahalaga sa lalawigan dahil ito ang daan sa bayan ng Sumisip, Tipo-Tipo, Maluso, Lamitan at Lantawan. Ang circumferential road ay susi para sa pag-unlad ng nasabing bayan.
Tiniyak naman ni Governor Jum Akbar kay Teodoro na makikipagtulungan sila upang maubos na ang Abu Sayyaf at iba pang mga lawless elements sa lalawigan kasabay ng pasasalamat sa ginagawa nitong humanitarian mission. (Joy Cantos)