MANILA, Philippines - Bibigyan ng tulong legal ng pamahalaan sa pamamagitan ng Embahada ng Pilipinas sa Kuwait ang isang Pinay na biktima ng sobrang pagmamaltrato matapos na ihagis ng kanyang employer sa bintana.
Sa report ni Philippine Ambassador to Kuwait Ricardo Endaya sa Department of Foreign Affairs, bibig yan nila ng hustisya ang ginawang pagmamaltrato sa 25-anyos na Pinay domestic helper na hindi pinangalanan ng kanyang amo matapos nitong paggugulpihin at saka inihagis pa sa bintana mula sa ikatlong palapag ng gusali na kanilang tirahan.
Nagtamo ng mga sugat sa katawan ang nasabing Pinay at inoperahan sa isang ospital sa Kuwait.
Sa salaysay ng Pinay, napilitan siyang tumakas sa kamay ng kanyang malupit na amo at tumungo sa kanyang employment agency sa Kuwait subalit imbes na tulungan ay ibinalik ng ahensya ang biktima sa kanyang amo.
Dahil sa matinding galit ng amo, ginawa siyang punching bag at pinaggugulpi saka ikinulong sa isang kuwarto. Lalo pang nairita ang galit na galit na employer nang hindi tumigil sa pag-iyak ang Pinay kaya kinaladkad siya ng amo at initsa at itinulak sa bintana.
Nagtamo ng malalim na sugat sa likod ang nasabing Pinay at mga pasa sa ibat ibang bahagi ng kanyang katawan. (Ellen Fernando)