Mga sabungero maglalagay ng kinatawan sa Kongreso
MANILA, Philippines - Maging ang mga sabungero ay gusto na ring magkaroon ng kanilang sariling kinatawan sa Kongreso.
Isang grupo na nagpapakilala bilang Alyansa Sabungero ang nagparehistro kahapon sa Commission on Elections para matanggap na partylist at makalahok sa halalan sa taong 2010.
Kabilang sila sa mga political parties at grupo na humabol sa huling araw ng pagpaparehistro sa Comelec.
Batay sa record ng Office of the Clerk ng Comelec, umabot na sa 40 political parties at 159 na aspiranteng partylist ang nagsumite ng kanilang mga petition for registration.
Kabilang pa sa naghain ng kanilang petisyon ang KATRIBO na ang mga miyembro ay nakasuot ng katutubong kasuotan nang magtungo sa Comelec, Akap Bata Sectoral Organization, at Lakas ng Masa.
Ang mga nasabing petisyon ay sasailalim pa sa pagdinig ng Comelec bago tuluyang ideklara ang mga grupong maaring makalahok sa party-list elections. (Doris Franche)
- Latest
- Trending