Nabuntis na guro, estudyante 'di pwedeng i-kick out sa eskwelahan
MANILA, Philippines - Dahil pasado na ang Magna Carta of Women o Republic Act 9710, bawal na ang anumang uri ng diskriminasyon sa mga kababaihan at hindi na maaaring i-kick out ng mga iskuwelahan ang mga guro at estudyante na nabuntis sa pagkadalaga.
Ito ang tiniyak kahapon ni Senator Pia Cayetano, isa sa mga pangunahing awtor ng RA 9710, at chairperson ng Committee on Social Justice ng Senado.
Sa ilalim ng Section 13 (“Equal Access and Elimination of Discrimination in Education, Scholarships and Training”) ng naturang batas, pagbabawalan na ang mga paaralan na tanggalin sa trabaho ang isang guro, o ma-‘kick out’ ang isang estudyante kung ang dahilang gagamitin ay ang pagbubuntis nito sa pagkadalaga.
“Matagal na nating tinatanong yan: Bakit kapag nabuntis ang isang babaeng guro o estudyante ay kaagad siyang naki-‘kick out’ sa kanyang paaralan? Pero pag lalakeng guro o estudyante ang nakabuntis, bakit hindi man lang sila napaparusahan?” tanong ni Cayetano.
Sa ilalim ng batas, bibigyan din ang mga kababaihang empleyado ng dalawang buwang “special leave benefit” kung sila’y nagpasailalim sa surgery bunga ng “gynecological disorders.” Ito’y bukod pa sa dalawang buwang maternity leave na umiiral sa ilalim ng batas paggawa. (Malou Escudero)
- Latest
- Trending