Napatay na tinyente cum laude ng Class 2006

MANILA, Philippines - Isa sa mga cum laude ng Philippine Military Academy Mandala (Mandirigmang Dangal ng Lahi) Class 2006 ang isang batang Tinyente na kabilang sa 23 sundalong nasawi sa bakbakan sa Tipo-Tipo, Basilan kamakailan.

Ayon kay Army Spokesman Lt. Col. Arnulfo Marcelo Burgos Jr., isang huwarang anak si 1st Lt. Dhenjun Evangelista na breadwinner ng kaniyang pamilya at nagpapaaral din ng mga kapatid at pamangkin.

Si Evangelista ay kabilang sa 324 mga nagsipag­tapos ng PMA Class 2006 sa Fort del Pilar, Baguio City.

Ang bangkay ni Evangelista ay dadalhin sa bayan nito sa San Quintin, Pangasinan upang doon pagla­mayan ng kaniyang mga mahal sa buhay at ilibing. 

“He (Evangelista) done a heroic act,“ ani Burgos na sinabi pang katangitangi ang ginawang sakripisyo ni Evangelista na nagligtas ng buhay ng kaniyang mga kasamahang sundalo.

Samantala, nakatakda na sanang ikasal ang isa namang nasawing miyembro ng Marines na si Pfc. Daryll Dave Toroy ng Baruc, Tigbauan, Iloilo.

Sa radio interview, kinumpirma naman ni Florentino Toroy, ama ni Pfc. Toroy na noong nakalipas na Hunyo umuwi ang kaniyang anak para magbakasyon at nagpaalam itong magpapakasal na sa kaniyang nobya.

Ayon sa matandang Toroy, noong Miyerkules umano ng madaling araw kung kailan nangyari ang sagupaan, nag-text pa ito sa inang si Loidina at ipinaalam nito na sasabak sila sa operasyon laban sa mga Abu Sayyaf.

Iyon na pala ang huling text ng kanilang anak. (Joy Cantos)


Show comments