Times Street ipapangalan kay Cory
MANILA, Philippines - Isinusulong ng ilang konsehal ng Quezon City na isunod sa pangalan ni dating Pangulong Cory Aquino ang ilang lansangan sa lunsod.
Sa panukalang ordinansa ni 3rd district Councilor Diorella Ma. Sotto, nais niyang pangalanan bilang Pres. Corazon Aquino st. ang Times Street sa Barangay West Triangle, QC kung saan matatagpuan ang bahay ng mga Aquino.
Si 4th district Councilor at majority floor leader Antonio Inton Jr. naman ay nais binyagang Corazon C. Aquino road ang Batasan road.
Ayon sa dalawang konsehal, marapat lamang ibigay ang parangal na ito kay Ginang Aquino bilang simbolo ng pagpupugay sa malaking nagawa nito sa bansa.
Sa paraang ito anila ay palagiang maaalala ng publiko, mga motorista man o simpleng pedestrian, ang kagitingan ng dating pangulo.
Una nang inaprubahan ng QC council kamakailan bilang Cory Aquino democracy day sa QC ang January 25, ang araw ng kapanganakan ni Mrs. Aquino. (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending