MANILA, Philippines - Isasali ng Philippine National Police sa Guinness Book of World Records ang honor guard na si PO2 Danilo Malab Jr. na kabilang sa apat na presidential cortege sa libing ni dating Pangulong Corazon ‘Cory‘ Aquino.
Ayon kay PNP Spokesman Sr. Supt. Leonardo Espina, isinumite na nila kahapon sa official website ng Guinness na nakabase sa England ang ipinakitang katatagan at pagiging propesyunal ni Malab sa pagtupad ng misyon.
Sinabi ni Espina na posibleng manalo sa ibang kategorya si Malab dahil iba naman ang ipinamalas ni Suresh Joachim ng India kung saan ay tumayo ito ng halos walang katinag-tinag sa loob ng 21 oras at 30 minuto
Gayunman, hindi naman matiyak ng PNP spokesman kung nakakain si Joachim habang nakatayo at kung nasa loob ito ng isang gusali ‘di tulad ng apat na honor guards na mahigit siyam na oras nakatayo sa funeral march ni Cory mula Manila Cathedral sa Intramuros, Manila patungong Manila Memorial Park sa Sucat, Parañaque City sa gitna ng pagbuhos ng ulan at init ng araw habang umaandar ang truck ng walang kain at inom.
Idinagdag pa ng opisyal na ang ginawa ni PO2 Malab ay hindi biro sa ipinakitang matinding disiplina at sakripisyo na hindi naman nito napaghandaan di tulad ni Suresh na nakapagsanay muna bago sumabak sa pagsubok.
Sa panig ng AFP, sinabi naman ni AFP- PIO Chief Lt. Col. Romeo Brawner Jr. na hindi sa kanilang hanay dapat na magmula kung ilalahok rin sa Guinness ang kanilang magigiting na honor guards na sina Army Private First Class Antonio Cadiente, Airman Second Class Gener Laguindam at Navy Petry Officer 3 Edgardo Rodriguez. (Joy Cantos)