OFWs na pupuntang Cuba pinag-iingat
MANILA, Philippines - Pinag-iingat ng Department of Foreign Affairs ang mga overseas Filipino workers na nais magtrabaho sa Cuba na mag-ingat at iwasan ang isang nagngangalang Leonid “Ned” Pascual na umano’y sangkot sa human trafficking operations ng Manila-based illegal recruiters.
Ayon sa Filipino Association in the Bahamas, sunud-sunod ang pambibiktima ng grupo ni Pascual sa mga manggagawang Pinoy patungong Cuba kung saan iniiwan lang nito sa ere ang narecruit pagdating sa Cuba.
Base sa rekord, apat na beses nang nagpuslit ng mga OFWs bilang mga turista sa Bahamas via Havana ang grupo ni Pascual simula noong taong 2008 kung saan ang pinakahuling insidente ay pito pang OFWs na dinala sa Havana bilang mga turista subalit inabandona din pagkarating doon.
Bunsod nito’y nanawagan ang nasabing grupo na agad na isuplong sa awtoridad si Pascual at mga kasabwat nito na isang Pascuala “Peachy” Ramos .
Maging ang National Bureau of Investigation at Task Force Against Illegal-Recruitment na pinamumunuan ni Vice President Noli de Castro ay magsasagawa na rin ng imbestigasyon dito. (Ellen Fernando)
- Latest
- Trending
















