4 honor guards may tig-25,000

MANILA, Philippines - Pormal na pinaranga­lan at pinasalamatan na ng pamilya Aquino at mga negosyante ng Makati City ang apat na “honor guard” ng namayapang dating Pangulong Cora­zon Aqui­no dahil sa may siyam na oras na pagtitiis ng mga ito hanggang sa maihatid ang mga labi sa Manila Memorial Park sa Parañaque City.

Nirepresenta ni dating Senador Butch Aquino, ka­patid ni Sen. Benigno “Ninoy” Aquino, Jr., ang buong pamilya Aquino sa pagbibigay ng parangal kina PO2 Danilo Maalab, Private First Class Antonio Cadiente, Airman 2nd Class Gener Laguindan at Navy Petty Officer 3 Edgardo Rodriguez.

Isinagawa ang pag­bibigay ng parangal sa loob ng Solid Mills building sa Dela Rosa st., Makati City kung saan inabutan rin ng tig-P25,000 bawat isa ni Aquino bilang pabuya ang apat na honor guards. 

Sinabi nito na nag-am­bag-ambag umano siya, at mga kaibigang negosyante ng Makati kabilang na si Senador Allan Peter Caye­tano para ipambigay na pabuya sa mga ito.

Sinabi ni Aquino na ipinahahatid nina Senador Noynoy Aquino, Kris, at mga kapatid ng mga ito ang pasasalamat sa apat na tauhan ng pamahalaan dahil sa ipinakitang husay sa kanilang tungkulin na tinawag pang “mighty four” ng isa sa mga apo ni Cory.

Iginiit nito na hindi umano biro ang ginawa ng apat na tauhan na tumayo ng may siyam na oras na walang galawan, tiniis ang ulan, gutom at pagod ha­bang sakay nang uma­andar na trak.

Sa pamamagitan rin umano ng pagbibigay pa­rangal sa apat, umaasa sila na babalik ang pagtiti­wala ng taumbayan sa Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police.

Nagmistulang mga ba­gong celebrities rin naman ang mga sundalo at pulis nang pagkaguluhan ng publiko sa Makati City kung saan marami ang nagpakuha ng litrato, nagpaabot ng papuri, at ang iba ay kuntento na makamayan lamang ang mga ito.

Sinabi rin ni Aquino na ikukunsidera rin nila ang pagpaparangal sa apat pang “honor guards” ng yumaong Cory nang ilipat naman ito mula La Salle-Greenhills patungo sa Manila Cathedral.

Show comments