Petisyon vs Con-Ass ibinasura na ng SC
MANILA, Philippines -Tuluyan nang tinuldukan ng Korte Suprema ang dalawang petisyon na humihiling na ipawalang-bisa ang resolusyon na ipinalabas kamakailan ng House of Representatives na magko-convene ang mga mambabatas sa isang Constituent Assembly para amyendahan ang 1987 Constitution.
Sa isang unanimous decision, sinabi ng Supreme Court (SC) na walang batayan ang petisyon na inihain ng mag-amang abogado na sina Atty. Oliver at Evangeline Lozano gayundin ng isa pang Luis Biraogo dahil na rin sa wala pang aktuwal na kaso na dedesisyunan.
Matatandaan na noong Hunyo ay nagpasa ng isang resolusyon ang mga kaalyadong mambabatas ni Pangulong Arroyo sa Kamara kung saan sa pamamagitan ng ipinasang Resolution 1109 ay pahihintulutan ang pagbuo ng constituent assembly na ayon sa mga kritiko ng Pangulo ay isang hakbang ng administrasyon para mapalawig pa ang termino nito paglipas ng 2010.
Sa ilalim ng Resolution 1109 ay maari na maamyendahan ang Saligang Batas nang hindi na kailangan dumaan sa Senado.
Ayon kay SC Spokesman Atty. Jose Midas Marquez, malinaw umano na hindi nito pipigilin na mag-convene ang mga mambabatas bilang constituent assembly base sa desisyon ng mga mahistrado.
Sa unang desisyon ng SC sa petisyon ng mag-amang Lozano noong June 16, sinabi nito na tanging aktuwal na mga kaso may hurisdiksyon ang Korte Suprema.
Matapos mabasura ang unang petisyon ay agad na naghain ng motion for reconsideration ang mag-amang Lozano na pinal ding ibinasura ng SC at sinabing tapos na ang usapin sa naturang isyu.
- Latest
- Trending