NPC balisa sa paglipat ni Gibo sa Lakas
MANILA, Philippines - Nabalisa at bumigat ang kalooban ng mga miyembro ng Nationalist People’s Coalition nang lumipat sa Lakas-Kampi-CMD si Defense Secretary Gilbert “Gibo” Teodoro na isa sa mga aspirante sa halalang pampanguluhan sa 2010.
Ito ang inihayag kahapon ng isang kasapi ng NPC na si Pangasinan Cong. Mark Cojuangco na nagsabi pa sa isang media forum sa Maynila na dinamdam nila ang paglipat ni Teodoro sa ibang partido dahil hindi man lang ito nagpaalam sa kanila.
“Kanya-kanyang diskarte lang iyan at iyon ang diskarte niya, pero sana ay nagpaalam siya. Nasorpresa talaga kami,” sabi ni Rep. Cojuangco.
Sinabi pa ni Cojuangco na bago itinalaga sa Gabinete ni Pangulong Arroyo si Teodoro ay ito na ang tinuring na “boss man” ng mga miyembro ng NPC sa Kamara noong isa pang kongresista ng Tarlac ang kalihim.
Kasabay nito, ilang miyembro ng NPC ang nagmungkahing inomina si Teodoro bilang kandidatong presidente ng partido bukod kina Senators Francis Escudero at Loren Legarda.
Sinasabi nila na hindi pa rin pinuputol ni Teodoro ang ugnayan nito sa NPC bukod sa mas handa ang kalihim sa pagka-pangulo kumpara kina Legarda at Escudero. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending