Dumlao gagawing witness
MANILA, Philippines - Malaki ang posibilidad na ilagay din sa Witness Protection Program ng Department of Justice ang isa sa akusado sa Dacer-Corbito double murder case na si dating Senior Supt. Glenn Dumlao.
Ayon kay acting Justice Sec. Agnes Devanadera, posibleng ilagay si Dumlao sa WPP kapag naisapinal na nito ang paglagda sa mga dokumento at kapag natapos nito ang mga documentary requirements kung saan pag-aaralan kung maaring gawin itong testigo.
Naniniwala ang Kalihim na mas lalo pang palalakasin ni Dumlao ang testimonya ni dating Supt. Cezar Mancao kung saan nakasentro ito kay Sen. Panfilo Lacson.
Ayon naman kay Justice Undersecretary Ricardo Blancaflor na siya ring head ng Task Force 211, bagamat hindi nila sigurado kung gaano kabigat ang banta sa buhay ni Dumlao ay magiging mahigpit din umano ang kanilang seguridad para dito katulad ng seguridad na binigay nila noon kay Mancao ng dumating ito sa bansa.
Mas mabuti na umanong batikusin sila na overkill sa seguridad ang ginawa kay Mancao kaysa naman magsisi sila sa bandang huli kapag may nangyaring masama kay Dumlao.
Inaasahang darating sa Linggo ng umaga si Dumlao matapos na tumulak na ang isang team ng NBI patungo sa California na siyang susundo dito pabalik ng Pilipinas. (Gemma Amargo-Garcia)
- Latest
- Trending